Tuesday, July 08, 2008

Ang Paboritong Libro ni Hudas - Bob Ong


Heto nanaman. Ang pangatlong librong nai-publish ng visprint na iniakda ni Bob Ong. Sa kasalukuyan, sobrang naaadik na ako sa taong 'to. Hindi ko alam kung baket. Siguro, nilalagyan niya ng shabu ang mga libro niya para ma adeek ang mga mambabasa sa kanya.

Ang Paboritong Libro ni Hudas o mas kilala sa tawag na BLACK BOOK. Bakit? Kasi itim ang kulay ng libro. Nabasa ko sa isang trivia na dapat daw sana, itim lang talaga ang libro pero sa utos ng bookstore, nilagyan ito ng label ng publisher.

Nakakatuwa pero dahil kay Bob Ong, mas naintindihan ko ang kahalagahan ng book publishing. Pero hindi tungkol sa pag publish ng libro ang nilalaman ng Black Book kundi tungkol sa...sa...sa totoo lang, wala talagang specific topic ang libro. Karamihan sa nilalaman ng libro ay ang mga kwento ni BO tungkol sa kanyang sarili habang ginagawa niya ang libro.

Kung iisipin ma'y parang napaka random nga ng libro kapag binasa mo pero sigurado akong gaya ko, mauubusan ka rin ng "tawa" habang binabasa mo ito. Marahil sa akin, masayang basahin ito dahil ang level ng sense of humor namin ni BO, parehong-pareho. Maniwala kayo't sa hindi!

Ito rin ang kauna-unahang libro kung saan nakabasa ako ng article na tungkol sa ipis. Oo, yung itim na lumilipad na mabaho na kinatatakutan ko higit pa sa multo at mga pulitiko. Hindi ko alam. Siguro, nung gabing niri-raid ng mga ipis si BO, wala siyang maisip na topic para ilagay sa libro niya. Kaya nabuhay ang alamat ng ipis at tsinelas...[shudders] Ayoko nang pag-usapan ito...

Wala naman masyadong maipagmamalaki ang libro bukod sa mga nakakatawang kwento ni BO tungkol sa buhay niya. Mula dun sa "bahay ni lolo" hanggang sa "camp john hay mishap" at pati dun sa pagsali niya sa The Weakest Link dahil sa paglaglag ng kanyang pamangkin tungkol sa kanilang NDD.

Pero sa kabila ng mga random topics ng libro na napakadaming "flight of ideas", sinisingit ni BO ang conversation sa pagitan ng isang taong patay na at ni Jesus Christ. Dito nahuhulog ang seryosong usapan.

Ang pagpapahalaga ng ating paniniwala sa Diyos at ang tanging hinihiling ng Diyos sa atin, ang magkaroon tayo ng FAITH. Faith na napakalakas upang mapaniwala natin ang ating sarili na totoong may Diyos na lumikha at nagmahal sa atin.

Maiuugnay ko rin ang paniniwalang ito sa isang kumakalat sa internet ngayon. Yung pinagkakaguluhan ngayong prediction ni Jucelino Nobreaga da Luz, isang Brazilian prophet (o yun ang sinasabi niya). Sinabi niya sa isa sa kanyang mga prediction na magkakaroon daw ng matinding lindol sa Pilipinas sa July 18, 2008. 8.1 RS at kikitil ng buhay ng libu-libong tao.

Madami ang natakot sa pagkalat ng balitang ito. Madami ang naniwala. Naging instant celebrity si Jucelino. Pero hindi ko alam. Dahil ako, nang mabasa ko ang article, hindi ako naniwala. Dahil hindi naman Diyos si Jucelino. At lalong alam kong hindi siya isang propetang pinadala ng Diyos para takutin tayo.

Konti lamang ang napa intindi ko sa aking explanation. Na tanging Diyos lamang ang may karapatang magpaalam sa kung ano man ang mangyayari sa atin kinabukasan. Diyos lamang ang may karapatang magsabi kung kelan tayo mamatay; kung aabot ba tayo ng 100 y/o o bukas, hindi na tayo magigising.

Ang Black Book ni BO ay isa sa nagpalakas ng paniniwala ko sa Diyos. Kahit ano pa man ang relihiyon natin, or kahit ano pa man ang Diyos na pinaniniwalaan natin, ang importante, merong Diyos. Makita man natin siya, kung malakas ang pananampalataya natin sa kanya, walang sinumang tao ang makakapagpabago ng faith natin sa Diyos.

0 comments: